Sabado, Oktubre 8, 2016

Paggamit ng Wikang Pambansa para sa Pambansang Kaunlaran

         

                   Bilang isang Pilipino na lumaki at namulat sa ating sariling bansang Pilipinas, isang napaka laking karangalan na ang ating bansa ay makilala, hindi lamang ng mga karatig bansa nito kung hindi na rin maging ng buong mundo. Napakaraming larangan sa mundo na ating makikita na kasali o kalahok ang Pilipinas dito, at kahit saang lugar o bansa ay mayroong mga Pilipino. Gayunpaman, likas sa ating mga Pilipino ang paggamit ng mga wikang banyaga, dahil lumaki tayo sa bansang marunong tumanggap ng ibang kultura bunga na rin na tayo ay nasakop ng mga banyaga noon. Ang ating wikang ginagamit sa panahon ngayon ay napakarami, pangunahin na rito ay ang mga wikang opisyal ng Pilipinas ang Filipino at Ingles, at ang iba ay mga wikang panlalawiganin.  Kung mapapansin natin sa ating kapaligiran, di hamak na mas mataas ang tingin ng mga Pilipino sa mga taong marunong magsalita ng wikang Ingles, ngunit ang totoo rito ay parang itinatakwil na ng mga taong ito ang ating sariling wika na ipinaglaban pa ng ating mga ninuno sa mga mananakop. Ipinapakita nating pinapahalagahan at ipinagmamalaki natin ang ating bayan/bansa sa buong mundo, dahil ito ang nagsisilbing daan natin sa pakikipag ugnayan sa iba pang mamamayan ng ating bansa. Sa bansang Japan may iisa lamang silang wikang ginagamit na syang naging daan o dahilan ng pangkalahatang progreso o pag-unlad ng mga mamamayan roon, at mayroon silang iisang layunin at adhika para sa kanilang bansa.

          Kaya bilang isang magaaral at mamamayang Pilipino, maging aral at gabay nawa sa atin ang mga ginawa ng mga taga Japan sa kanilang bansa para na rin sa ikauunlad ng ating minamahal na Inang Bayan na matagal-tagal na nating inaasam-asam na makamit.

Pasasalamat sa Ating Sariling Wika

Ang wika ang maituturing na pinakamabisang kasangkapan sa ating pakikipag-komunikasyon sa ating kapwa. Ang wika, pasalita man o pasulat ay magiging sandata natin sa ating pakikihamok sa mga hamon ng buhay. Ang wika ay binubuo ng mga titik at simbulo na kapag pinagsama-sama ay maipapahayag natin ang mga nararamdaman natin sa ating pamilya, kaibigan, o kung sino pa man na kakilala natin.

Ang Pilipinas, bagamat isang archipelago, na binubuo ng 7,107 na mga pulo na mayroong iba’t-ibang diyalekto ay nagkakaroon ng pagkakaunawaan sa pamamagitan ng paggamit ng iisang wika, ang wikang Filipino! Kaya naman kahit may iba’t-ibang kultura, relihiyon at paniniwala sa bawat panig ng Pilipinas, nagkakaisa parin ang bawat mamamayan ng ating bansa sa paggamit ng wikang Filipino.

Sa ating nagbabagong estilo ng mundo ngayon, kung saan masasabi na ang mga bagay ay nagiging “high-technology” na, dapat pa rin nating isaisip ang pagpapahalaga sa ating sariling wika. Oo nga at tama sa ang Ingles ang “Universal Language” at siyang dahilan upang mas masaliksik pa natin at mas maipahayag ang nararamdaman natin sa mga hindi natin kalahi o mga dayuhan. Ngunit hindi ito sapat na dahilan upang ipagwalang bahala na lamang natin ang wikang Filipino. Hindi ba’t bago tayo matuto ng wikang Ingles ay wikang Filipino muna ang una nating natutunan? Na bago pa man tayo makihalubilo sa ibang tao sa loob at labas ng ating bansa ay wikang Filipino ang una nating pinagpakadalubhasaan upang magamit natin sa ating pakikipagkapwa? Kaya huwag naman sana na sa pagbago ng pagdaloy ng panahon ay mabago narin ang ating pananaw sa pagpapahalaga sa paggamit ng wikang Filipino.

Ngunit nakakalungkot man na isipin, marami sa atin lalo na sa mga kabataang kagaya ko ang siya pang lumalapastangan sa ating wika. Kaya naman humihingi ako ng kapatawaran sa ating pambansang bayani na minsang nagwika na, “Ang hindi magmahal sa sariling wika ay higit pa sa hayop at malansang isda.” Kasabay ng pag-unlad ng mundo ang pag-usbong ng ng mga hindi pormal na salita, katulad ng wika na sa lansangan o kalye ma lamang maririnig. Isama mo pa riyan ang mga nauuso naring salita ngayon na ginagamit ang mga salita ng mga nasa ika’tlong kasarian o mga bading, ang “Gay Lingo”. Halimbawa ng mga salita na ito ang “gora mama!” na ang ibig sabihin ay “tara na!” at “echos” na ang ibig sabihin ay “biro lamang!”. Hindi ba’t bukod sa hindi magandang pakinggan ang mga salitang ito ay nagpapakilala din ito kung ng anong klaseng mga tao na ang mayroon sa Pilipinas. Mga mamamayan na imbes na igalang ang


sariling wika ay siya pa ang lumalapastangan dito. Ano nga ba ang siyang masasabi nating dahilan kung bakit ang mga Pilipino ay ipinagbabawalang bahala ang maayos na paggamit ng wikang Filipino? Base sa aking obserbasyon, ang masasabi kong isa sa mga dahilan kung bakit hindi nabibigyan ng karampatang pagpapahalaga ang ating wika ay dahil sa pagkakauso ng “Short Message Service” o mas kilala sa tawag na “text”. Isipin ninyo ito, bilang kabataan na mahilig mag-text, mas kaaya-aya para sa akin kung wikang Ingles na paikliin ang aking gagamitin dahil unang-una sa lahat mas matipid ito sa espasyo at mas mabilis gawin. Sa pagtetext din mas laging naaabuso ang wikang Filipino kung saan ang mga kabataan ay laging mga balbal na salita ang ginagamit sa pakikipagkomunikasyon. Ang isa pa sa nakikita kong dahilan ay ang paniniwala ng mga kabataan ngayon na mas “in” ang paggamit ng wikang Ingles. Na mas angat ka sa lipunan kung lagging wikang Ingles ang Iyong gagamitin, kahit “english carabao” iyan!

Sana lamang ay tandaan natin ito, taga Pilipinas tayo, tayo ay mga Pilipino! Kung hindi natin gagamitin, pagyayamanin at pahahalagahan ang sarili nating wika, sino pa ang magpapahalaga dito? Wala ba tayong utang na loob sa sarili nating wika na pagkatapos nating gamitin sa loob ng ating mga tahanan ay siya na lamang natin babalewalain dahil sa pagbabago ng panahon? Huwag naman din sana natin hayaang mawalan ng saysay ang pagpupursigi ng dati nating pangulo na si Manuel Quezon nag awing Pambansang wika ang Filipino. Isa lamang itong paalala, “Wika mo. Wikang Filipino. Wika ng Mundo. Mahalaga!”